Inaasahang mas mapapabilis ang paggulong ng batas at mapapadali ang pag-asikaso ng mga legal na proseso para sa mga taga-North Caloocan dahil sa nakatakdang pagbubukas ng bagong Metropolitan Trial Court (MTC) dito bago matapos ang taong 2012.
Ayon kay Cong. Oscar “Oca” Malapitan, nangangalahati na ang pagpapatayo sa bagong gusaling gagamitin ng bagong sangay or branch ng MTC sa Brgy. 173, Congressional Road, Caloocan City.
Tulong sa North Caloocan
“Natutuwa tayong patuloy ang pagsulong ng ating pangarap na makapagpatayo ng MTC sa North Caloocan kung saan nakatira ang malaking bahagi ng populasyon dito sa ating lungsod,” ani Cong. Oca Malapitan.
“Naiparating din sa atin ng Korte Suprema na nakapagtalaga na sila ng apat na hukom bilang paghahanda rin sa inaasahang pagbubukas ng bagong MTC bago matapos ang taon.”
Si Cong. Oca Malapitan ang may-akda ng Republic Act 9374 na nag-atas ng pagpapatayo ng mga bagong sangay ng MTC hindi lamang sa North Caloocan kundi pati na sa Caloocan City proper.
Sa ngayon kasi, ang MTC sa South Caloocan lang ang tanging dumidinig sa mga kaso para sa buong lungsod. Dahil dito, naging mahal at nakakapagod ang pagkamit ng hustisya para sa mga taga-North Caloocan na kailangan pang magbiyahe ng isa hanggang dalawang oras para lang makarating sa kasalukuyang Hall of Justice sa South Caloocan.
“Inaasahan nating mas mapapabilis at mapapadali para sa mga taga-North Caloocan ang tinatawag nating delivery of justice dahil sa ating pagtatayo ng MTC dito mismo sa North Caloocan,” ayon kay Cong. Oscar Malapitan.
“Maliban dito, mababawasan natin ang backlog o pagkakabinbin ng mga kasong dinidinig sa mga sangay ng MTC sa South Caloocan dahil sa dagdag na mga branches na ating ipinanukala sa Kongreso at nasusugan hanggang maisabatas.”
Pondo mula sa PDAF
Ngunit sa kabila ng pagsasabatas ng RA 9374 noong 13th Congress, hindi naging madali ang pagpapatayo ng bagong MTC. Ayon kasi sa Department of Justice (DOJ) na siyang karaniwang nagpopondo sa pagpapatayo ng mga gusaling ginagamit ng mga korte, wala itong sapat na pondo hanggang 2013 para maipatayo ang MTC sa North Caloocan.
Dahil na rin sa hangaring agad na maipatayo ang MTC para sa mga taga-North Caloocan, naglaan si Cong. Malapitan ng pondo mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) para sa pagpapatayo ng Hall of Justice sa North Caloocan.
“Ang mahalagang naipakita natin sa pagsusulong ng proyektong ito ay kung may political will ang mga lider sa ating lungsod ay walang dahilan para hindi umusad ang ating mga proyekto kahit sinasabing walang pondo sa national government,” ani Cong. Oca Malapitan.
Sinimulan ang pagpapatayo ng Hall of Justice sa North Caloocan noong nakraan taon. Ang 3rd Metro Manila District ng Department of Public Works and Highways ang kasalukuyang nagsasagawa ng construction work para sa proyekto.






